Ezra 1:1-4

Pinabalik ni Haring Cyrus ang mga Judio sa Kanilang Lupain

(2 Cro. 36:22-23)

1Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Jeremias.
tinupad … Jeremias: para mangyari na mapalaya ang mga Israelita sa pagkabihag sa Babilonia paglipas ng 70 taon (Tingnan sa Jer. 25:11 at 29:10).
Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa buo niyang kaharian.

2“Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:

“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda.
3Kayong lahat na mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa Jerusalem at muli ninyong ipatayo roon ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na nakatira sa lungsod na iyon. At samahan niya sana kayo. 4Ang mga natitirang tao sa mga lugar na tinitirhan nʼyong mga Israelita ay dapat tumulong sa inyong paglalakbay. Magbibigay sila ng mga pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, at pagtulong na kusang-loob para sa templo ng Dios sa Jerusalem.”

Copyright information for TglASD